Batsiler ng Sining sa Pilosopiya
Kolehiyo ng Sining, Agham at Edukasyon
Unibersidad ng Aquinas, Lungsod ng Legazpi
2012-2013
G. Christian S. Magdaong Pilosopiyang Pilipino
Pamimilosopiya sa Sariling Wika: Mga Problema at Solusyon
Pantamuliang Papel Blg.1
Sa paunang pagtalakay gusto ko po lamang bigyan ng kali...nawan na ang materyal na ginamit rito`y yaong aklat na ginawa ni G.Timbresa, isang pilosopong Pilipino`t Dalubguro sa Pilosopiya na tumutukoy sa pilosopiyang taglay ng Pilipinas.
Sa pagtakay na isinagawa ng dalubgurong si G. Timbresa ay binibigyan niya ng diin kung papaano ba mapapalawak at mapapagtibay ang pilosopiyang Pilipino gamit ang sariling lengwahe. Kanyang tinalakay kung ano nga ba ang dahilan kung bakit ang pilosopiyang Pilipino ay di pa gaanong hubog sa pagkapilosopiya, ito`y marahil sa pagbibigay ng atensiyon, pansin at higit na importansya sa banyagang lengwahe. Sa pagbibigay ng importansya sa mga iyon ay hindi natin nalalaman na unti-unting namamatay ang sariling wika ng bansang Pilipinas. Ito rin ang dahilan kung bakit ang mga salita sa ingles ay wala pang katumbas na salita sa Filipino. Sa katunayan hindi lamang pilosopiyang Pilipino ang kanyang gustong papagyamanin kundi maging yaong wika na sariling atin sa pamamagitan ng paglalapat nito sa pag-aaral ng pilosopiya. Dito pag-aaruga, pagdidilig at pagsusumikap ang layunin ng pilosopong dalubguro upang mapanatili ang kaluluwa ng bansa; ang wika na ayon kay Lope K. Santos sa kanyang tulang ginawa. Ani ni G. Timbresa sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga ito ay makalilikha at makabubuo tayo ng mga bagong salitang magpapalawak sa ating wika. Kaniyang binanggit rin sa pamamamagitan ng demonstrasyon nito sa isang palaka na nakakulong sa isang balon at nag-aakalang iyon lang ang saklaw ng mundo at ng dumating ang tag-ulan at napuno ang balon kaniyang natuklasan ang kahiwagahan ng sanglibutan. Sa kanyang pagpapakahulugan sinasabi dito na huwag nating ikulong ang ating kaalaman sa kakuntintuhan at kailangan nating tumuklas ng tumuklas at magsiyasat ng mga bagay-bagay hanggat sa maari tayong magtanong, mag-isip at sumagot sa tulong ng berbal at pasulat na pagtalakay sa tulong ng wikang ating kinalakhan.
May katuturan at katotohanan ang mga pagtalakay ng dalubgurong si G.Timbresa sapagkat ito`y nagpapaalala sa atin na ang sariling atin ay siyang pagkakakilanlan natin. Ani ni Gat Jose P. Rizal “ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa amoy ng mabahong isda”. Marami sa atin ay bihasa sa paggamit ng ingles, espanyol, latin at iba pang mga lengwahe marahil mas madali itong matutunan at ituro. Halos ingles ang medyum na ginagamit sa elementarya at sekundaryang paaralan lalong lalo na sa mga pampribado at pampublikong institusyon. Pagdating sa Kolehiyo halos nababalanse lang ngunit lamang parin ang wikang banyaga dahil mas marami ang asignaturang ingles ang ginagamit. Kadalasan marami rin ang kumukuha ng Batsiler ng Sining sa Ingles. Sang-ayon rin ako sa pagtanggap sa mga ito. Totoo na ang lengwaheng ingles ang talamak at gamit na gamit sa larangan ng komersiyal at industriyal. Kung may kausap kang banyaga syempre kaakmaan ang dapat. Ngunit aking napapansin bakit lagi tayong mga Pilipino ang nakikipag-ayon sa mga banyaga. Kapag ang pinoy ang pupunta sa bansang Korea o sa ibang bansa tulad ng Tsina kailangan niyang alamin muna ang kultura, tradisyon at wika ng Koreano o Tsino. Kapag dayuhan ang pupunta dito sa bansa`y wika parin nila ang ginagamit at Pilipino ang makikipag-ayon. Hindi ba pwedeng yaong mga banyaga na pupunta dito sa ating bansa ang dapat makipag-ayon sa mga Pilipino? Hindi ba pewedeng isa sa mga patakaran ng Pilipinas na ang sinumang papasok sa katubigan at kalupaan ng Pilipinas ay dapat marunong magsalita ng Filipino? Marami ang magsasabing malaki ang magiging epekto nito sa ekonomiya ng bansa bababa ang kalidad ng piso at wala ng malaking kita ang turismo at iba pang departamento at ahensya ng gobyerno. Sila itong mga taong nagpapahalaga sa materyal na yaman tulad ng ginto, pilak at pera kung kaya`t akala nila`y ito ang mga mas importate ngunit nagkakamali po kayo. Ang tunay na yaman ng bawat indibibwal at bilang isang lahi ay yaong pagkakakilanlan nito tulad ng pagiging isa sa wika, isa sa paniniwala, isa sa layunin at isa sa pinanghahawakan ang sariling atin. Dito ang sinasabi ni G.Timbresa ay may posibilidad na magkatotoo o kung hindi naman may ibang paraan. Hindi naman sa linilimita ang Pilipino sa paggamit ng banyagang mga salita kundi sa pagdisiplina rito. Ilan sa mga napapabalita na maging ang Pilipino`y na aasiwa kapag kausap niya`y kapwa Pilipino at gumagamit ng sariling wika. Sabi ng iba maganda ang maraming alam na wika at opo sang-ayon ako riyan ngunit ang pagkabihasa sa iba`t ibang lengwahe ay isang lason na unti-unting pumapatay kung ano ang pagkakakilanlan ng tao kung may pagkaeresponsable ito. Ang sabi naman ng iba`y mahirap mangusap kapag Pilipino ang medyum lalong-lalo ang mga tagaprobensiya dahil sa katigasan at kalambutan ng dila kung kaya`t nakatuon na lang sila sa kanilang natibong lengwahe at diyalekto at sagayon kanilang napapangalagaan ang kanilang kasarilinan bilang mga probensiyano. Maganda rin na kaisipan ang gayon ngunit kung isang araw may magtanong saiyo gamit ang wikang iyo at hindi iyong kinagisnang diyalekto kung ano ka bilang mamamayan ng bansang Pilipinas ano ang iyong tugon? Unang una hindi mo ito masasagot dahil hindi mo alam ang gustong ipabatid. Ikalawa, sabihin na nating naunawaan kahit kaunti ngunit diyalekto mo ang iyong ginamit na hindi naman nauunawaan ng taga ibang lugar sa loob ng Pilipinas. Ikatlo, sabihin na nating sinagot mo siya na “ ako`y Pilipino” ay tila magandang pagkakataon, ngunit kung kayong dalawa na ay mag-uusap sa wikang Pilipino papaano kayo magkakaunawaan. Isang kahihiyan ang pagpapakilala na ikaw ay isang Pilipino kung ni sarili mong pag-aari tulad ng wika`y hindi makuha dahil hindi mo alam. Isang kahihiyan bilang isang lahi na ang iyong mga kasamahan ay nakakaalam maliban sa iyo. Ang gusto ko lamang ipabatid na kahit tayong mga probensiyano ay dapat matuto kung paano gamitin ang likas na atin. Bilang isang lahi kailangan na kahit sa sariling bansa man lang ay mapatunayan nating hindi tayo huli sa lahat.
Ngayon aking bibigyang ng atensiyon o pagtanaw ang pilosopiyang Pilipino. Alam natin na ang pilosopiya ay ang pagmamahal sa karunungan. Ito ay pag-aaral ng lahat ng bagay sa isa at pinakamalalim na pinanggalingan o pinagmulan. Iilan lamang sa ngayon ang nag-aaral ng pilosopiya halimbawa dito sa Unibersidad ng Aquinas sa Lungsod ng Legazpi ay tila nasa 23 studyante lamang ang kumukuha ng pilosopiya. Ang tanong ano ba dapat na taglay ng isang mamimilosopiyang Pilipino partikular sa Pilosopiyang Pilipino? Unang-una marunong magtaka at magtanong. Ikalawa, marunong at mayroon ng damdamin, pag-iisip at diwang Pilipino hindi lamang sa utak ngunit maging sa dugo. Hindi katanggap-tanggap na ang siyang mag-aaral ng pilosopiyang Pilipino`y hindi marunong at wala ng mga ito. Ang Pilipino ay may sariling kasarilinan na di maaatim o mauunawaan ng ibang lahi. Ngayon marami ang nagtataguyod ng pilosopiyang Pilipino at marami naman ang taliwas dito sa kadahilanang ang Pilipinas raw ay hindi magkakaroon ng pilosopiyang orihinal dahil sa nagahasa na ito ng mga dayuhan, tatlong lahi na ang na isuklob sa lahing Pilipino at dahil dito hindi na maibabalik ang pinakasimula o pinakapuno at pinakaorihinal sa lahat na tutukoy ng tunay na lahi at kung ako ang tatanungin siyang aking tugon ay tayo ay may pilosopiya at iyan ang pilosopiyang Pilipino na maaaring mahalukay sa pamamagitan ng sariling karanasan at kaalaman na may katotohanan at ang katotohanang iyan ay tayo rin na mga pilipino. Kaya ito ang hamon sa ating mga Pilipino kung papaano ba natin maitatayo ang pilosopiyang sariling atin. Huwag tayong mag-aksaya ng panahon sa pag-aaral ng ibang kaisipan tulad ng sa kanluranin sapagkat may pagitan ang silangan at kanluran at ang pagitan na iyan ay ang pagkakaiba-iba nito sa ideya at katotohanan. Sila ay sila. Ngunit sino naman tayo? Tayo`y Pilipino na nagsasabing “sa wika ko magmumula ang pilosopiyang Pilipino.”
No comments:
Post a Comment